Palasyo, nanawagan ng paggalang sa desisyon ng korte sa pag-abswelto kay Enrile

Nanawagan ang Malacañang sa publiko na igalang ang desisyon ng Sandiganbayan na nag-abswelto kay dating Senate President at kasalukuyang Chief Presidential Legal Counsel Juan Ponce Enrile sa mga natitira nitong kaso ng katiwalian.

Sa isang pahayag nitong Biyernes, sinabi ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace press officer Claire Castro na dapat kilalanin at igalang ng publiko ang hatol ng korte bilang bahagi ng pagpapanatili ng kaayusan at paggalang sa sistema ng hustisya sa bansa.

“Nagsalita na ang korte, so, igalang natin. Igalang po natin kung ano ang desisyon ng korte,” ayon kay Castro sa isang media briefing.

Idinagdag ng opisyal na walang kapangyarihan ang Malacañang na impluwensiyahan ang mga desisyon ng mga hukuman, alinsunod sa prinsipyong “separation of powers” ng Konstitusyon.

“Papaano po tayo makakapagbigay ng anumang impluwensiya sa korte? Korte po iyan — may separation of powers, at kailangan po nating igalang kasi kapag hindi po natin ginalang ang mga desisyon ng korte, magiging chaotic country po tayo. Mahirap po iyon,” paliwanag pa ni Castro.

Kamakailan ay pinawalang-sala ng Sandiganbayan si Enrile, ang dating chief of staff nitong si Jessica Lucila “Gigi” Reyes, at negosyanteng si Janet Lim Napoles sa 15 bilang ng graft cases na may kaugnayan sa umano’y maling paggamit ng ₱172.8 milyon na Priority Development Assistance Fund (PDAF) o pork barrel ng dating senador.

Matagal nang nakasentro sa isyu ang pangalan ni Enrile, na unang kinasuhan noong 2014 dahil sa alegasyon ng paglipat ng pondo sa mga pekeng non-government organizations na sinasabing kontrolado ni Napoles.

Sa kabila ng mga batikos mula sa publiko, nanindigan ang Palasyo na dapat manatili ang tiwala ng mga Pilipino sa proseso ng hustisya sa bansa.

“Dapat nating pagtiwalaan ang ating justice system,” giit ni Castro, bilang paalala na ang mga desisyon ng korte ay bunga ng mahabang proseso ng pagdinig at pagsusuri ng ebidensya.

Post a Comment

Previous Post Next Post